MANILA, Philippines – Itinakda ng Senate Impeachment Court ang 11 buong-araw na pagdinig sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Oktubre bago pansamantalang suspendihin ang paglilitis para sa deliberasyon ng 2027 national budget.
Ayon kay Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero, full-day trial ang Oktubre 1-2, 5-9, at 12-15.
Sa Setyembre, mula alas-10 ng umaga hanggang alas-2:30 ng hapon lamang ang trial upang bigyang-daan ang regular na sesyon at budget hearings ng Senado.
Ititigil ang trial mula Oktubre 16 hanggang Nobyembre 8 para sa paghahanda at deliberasyon ng pambansang budget. Magsisimula ang floor deliberations sa Nobyembre 9, kaya posibleng Nobyembre 19 o sa sumunod na linggo pa maipagpatuloy ang impeachment trial.
“Trial shall be suspended to give way for the budget deliberations,” sabi ni Escudero.
Sa Setyembre 16, haharap ang mga “amici curiae” o mga legal expert para magbigay ng pananaw sa isyu ng voting threshold. Sa Setyembre 23 naman, magkakaroon ng oral arguments ang prosekusyon at depensa at posibleng botohan sa 16-boto threshold.
Nilinaw ng korte na ang botohan sa Setyembre 23 ay para lamang sa constitutional voting threshold at hiwalay sa magiging pinal na hatol sa impeachment case.
Pansamantala ring walang regular na trial ngayong linggo upang ayusin ang mahigit 1,800 bank at financial documents para sa “unexplained wealth” case.
Ayon kay Escudero, maaari pang magbago ang iskedyul depende sa mga procedural at constitutional issue na haharapin ng impeachment court. RNT/MDS/Ernie Reyes/Gail Mendoza