MANILA, Philippines – Sinampahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ng kasong human trafficking ang isang ama matapos itong arestuhin sa aktong pagbebenta ng kanyang 11-buwang sanggol sa halagang P55,000.
Kinasuhan sa Quezon City Prosecutor’s Office si Kenneth Crisologo na naaresto noong Setyembre 3 sa isinagawang entrapment operation ng mga ahente ng Special Task Force (NBI-STF) ng NBI.
Sinabi ng NBI na nag-ugat ang kaso mula sa impormasyong natanggap ng NBI-STF na si Crisologo ay sangkot sa pagbebenta ng sariling anak sa online.
Dahil dito, ipinag-utos ni NBI Director Jaime B. Santiago sa operatiba ng NBI-STF na magsagawa ng entrapment operation sa Barangay Pag-asa,Quezon City na nagresulta sa pagkakadakip kay Crisologo.
Matapos maaresto, ang bata ay dinala naman sa Social Services Development Department ng Quezon City. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)