Home METRO 11 manggagawa iniligtas ng PNP sa ilegal na cigarette factory sa Cavite

11 manggagawa iniligtas ng PNP sa ilegal na cigarette factory sa Cavite

364
0

CAVITE, Philippines – Nasagip ng Philippine National Police (PNP) ang 11 manggagawa, kabilang ang isang menor de edad, na pinilit umanong magtrabaho sa ilalim ng kuwestiyonableng kondisyon ng paggawa sa isang pabrika ng mga pekeng sigarilyo sa Trece Martires City, Cavite noong Biyernes ng umaga, Oktubre 31.

Sa isang pahayag, sinabi ni acting PNP Chief Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., siyam sa mga nasagip ay residente ng Masbate, kabilang ang isang 17-anyos na lalaki; ang isa ay nanggaling sa Pangasinan, at ang isa ay mula sa Leyte.

Samantala, dalawang suspek ang inaresto ng Calabarzon Police Regional Office (PRO-4A) sa isinagawang anti-human trafficking operation sa isang pabrika na matatagpuan sa non-operational recreation and leisure park sa Barangay Aguado bandang alas-6 ng umaga.

Kinilala ng mga pulis na sina Tony Sia Lao, ng Masbate City; at Erwin Torres Sy, ng Pasay City.

Ang modus ng mga naaresto, ayon sa pulisya, ay mag-recruit ng mga manggagawa mula sa mahihirap na komunidad sa Visayas at Mindanao para magtrabaho sa isang pabrika ng mga pekeng sigarilyo.

Sakop ang operasyon sa bisa ng search warrant na inisyu ni Executive Judge Angelina A. Mailom-Orendain ng RTC Branch 92, Calamba City, Laguna dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10364 o ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012.

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy kung mayroon ding mga batas sa paggawa na nilabag, sabi ni Nartatez.

Isinagawa ang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa Department of Labor and Employment in Region 4A (DOLE 4A), City Social Welfare and Development Office ng Trece Martires City, at mga kinatawan mula sa Philip Morris Manufacturing Philippines Inc.

Dinala sa Trece Martires City Police Station ang mga naarestong suspek at nasagip na mga biktima para sa dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here