Home OPINION 1,200 EMPLOYERS HINDI NAGHUHULOG NG MONTHLY CONTRIBUTION, PINAGPAPALIWANAG NG SSS

1,200 EMPLOYERS HINDI NAGHUHULOG NG MONTHLY CONTRIBUTION, PINAGPAPALIWANAG NG SSS

NAGSAGAWA ng sunod-sunod na inspeksyon ang mga tauhan ng Social Security System (SSS) sa NCR North kaugnay sa prog­rama nitong “RACE” o Run After Contribution Evaders.
Kampanya ito ng SSS para habulin ang mga employer na hindi nagpapasok ng monthly contributions ng kanilang mga empleyado.

Mismong si SSS o Social Security System President and Chief Executive officer Rolando Ledesma Macasaet ang nanguna sa sabayang pagsasagawa ng “R.A.C.E” o Run After Contribution Evaders kamakailan kung saan umabot sa 1,200 employers ang binigyan ng Notice of Violation, ibig sabihin ay kailangan nilang magsumite ng paliwanag sa loob ng labinglimang (15) araw.

Sa kalkula ng SSS, nasa halagang Php 335 million pesos ang kontribusyong hindi na-remit ng nasabing malaking bilang ng mga employer mula sa 19,000 na manggagawa.

Sa RACE operation sa Quezon City, binigyang-diin ni PCEO Macasaet na mahalagang naipapasok ng mga employer ang kontribusyon ng kanilang mga manggagawa para hindi nadedehado ang mga ito at napakikinabangan nila ang mga benepisyo mula sa SSS.

Isa pa, sa pamamagitan ng My.SSS ay mas madali nang makita at malaman ng mga empleyado ang estado ng kanilang kontribusyon.

Sa ganitong pagkakataon, ayon kay PCEO Macasaet, kaagad na ipaalam ito sa nakasasakop na SSS branch para sa karampatang aksyon.

Paalala pa niya, mahalaga ang “up-to-date contribution record” ng isang empleyado dahil dito nakabase kung kwalipikado siya sa mga benepisyo at serbisyo.

Ayon kay PCEO Macasaet, hindi mag-aatubili ang SSS na magsampa ng kaukulang mga reklamo sa pasaway na emplo­yers.
Pagdidiin niya, ang hindi pagsusumite ng kontribusyon ay isang criminal offense alinsunod sa Republic Act No. 11199.

Susog naman ni SSS executive vice president for branch operations sector Voltaire Agas, ang sinomang employer na hindi irehistro ang kanyang empleyado at hindi hulugan ng kontribusyon ay maaaring pagmultahin ng mula Php 5,000  hanggang Php20,000 at maharap sa pagkakulong ng mula anim na taon at isang araw o hanggang labingdalawang taon.

Itinaon ang sabayang RACE event sa obserbasyon ng International Labor Day.