Home NATIONWIDE 13 OFWs mula Israel nakauwi na ng Pinas

13 OFWs mula Israel nakauwi na ng Pinas

MANILA, Philippines – Labintatlong overseas Filipino workers (OFWs) mula Israel ang muling na-repatriate at dumating sa NAIA Terminal 1 sa Pasay City nitong Biyernes, Hulyo 4, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Kabilang sa mga dumating si Josephine Sanglitan Sandoi, 51-anyos, na halos dalawang dekada nang naninirahan sa Israel ngunit napilitang umuwi matapos sumabog ang isang ballistic missile ng Iran malapit sa kanilang tirahan.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, agad na nabigyan ng tulong pinansyal, health checks, at reintegration support ang mga OFW. Kabilang sa mga benepisyo ang TESDA training vouchers para sa bagong kabuhayan.

Ang grupong ito ay bahagi ng Batch 38-B na may kabuuang 21 repatriates. Bagamat bumuti na ang seguridad sa pagitan ng Iran at Israel, patuloy pa rin ang opsyon ng boluntaryong repatriation ng gobyerno para sa mga Pilipino sa rehiyon. RNT