
MANILA, Philippines – Hindi kakasuhan ng krimen bagkus ay isasailalim sapsycho-social intervention ang 14-anyos na binatilyo na umano’y pumatay sa kanyang limang taong gulang na kapatid sa ama sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Ang binatilyo ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Homecare for Children sa Lapu-Lapu City.
Batay sa pahayag ng isa pang kapatid, pinalo ng nakatatandang bata sa ulo ang limang taong gulang na biktima bago ito nilunod sa dagat.
Bilang isang menor de edad, ang binatilyo ay hindi maaaring makulong kasama ng iba pang mga suspek sa krimen. Sinabi ng mga awtoridad na pag-aaralan din nila ang kanyang kaso.
Sinabi ni Police Lieutenant Colonel Christian Torres, na kasalukuyan nilang hinihintay ang pagsusuri mula sa CSWD bago magdesisyon sa kanilang susunod na hakbang at isasaalang-alang din ang edad ng indibidwal.
Bahagi ng interbensyon ay isang konsultasyon sa kalusugan ng isip.
Base sa ilang ulat, pisikal na sinaktan umano ng binatilyo ang kanyang ina at iginapos ang isa sa kanyang mga nakababatang kapatid.
Nagtamo rin ng mga kagat ang binatilyo sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan, na ginawa umano ng kanyang ina na pisikal din umanong nanakit sa kanyang anak.
“Meaning nasa level na abused ang bata, kaya tumatak ito sa kanyang pag-iisip, hindi siya makapaghigante sa kanyang stepfather kaya ayon sa kanya ibinaling,” ani Buena Fe Remocaldo, head of the Homecare for Children. Santi Celario