Home METRO 14-anyos suspek sa pamamaril sa paaralan sa Tacloban, nasa DSWD pa rin

14-anyos suspek sa pamamaril sa paaralan sa Tacloban, nasa DSWD pa rin

1
0

TACLOBAN CITY, Philippines – Nananatili sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa isang rehabilitation facility sa Tanauan, Leyte ang 14-anyos na isa sa mga itinuturong suspek sa shooting sa San Jose National High School noong Hunyo 22.

Ayon kay DSWD Eastern Visayas Regional Director Grace Subong, nasa pasilidad pa rin ang batang tinukoy sa alyas na “Nash,” kasama ang 15-anyos na isa ring sangkot sa kaso. Patuloy umano silang sumasailalim sa assessment at intervention.

Naglabas ng paglilinaw ang DSWD matapos humingi ng katiyakan ang mga magulang ng tatlong estudyanteng nasawi sa insidente na nananatili sa pasilidad ang 14-anyos. Hiniling din nilang makita ang bata, ngunit hindi ito pinayagan ng DSWD.

Ayon kay Subong, limitado ang pag-access sa pasilidad upang maprotektahan ang kapakanan at seguridad ng mga menor de edad na nasa pangangalaga ng ahensya.

Samantala, sinabi ng DSWD na nakatuon ang pasilidad sa rehabilitation at intervention ng mga batang nasa kustodiya nito, kabilang ang pagpapatuloy ng kanilang edukasyon.

Tatlong estudyante ang namatay at ilang iba pa ang nasugatan sa pamamaril. Ayon sa mga testigo, itinuro ang 14-anyos bilang umano’y shooter, habang kinasuhan naman ng murder at multiple counts of serious physical injuries ang 15-anyos.

Sa ilalim ng Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, ang batang 15-anyos pababa sa panahon ng krimen ay exempted sa criminal liability, ngunit maaari pa ring sumailalim sa intervention at rehabilitation. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here