MANILA, Philippines – ISANG 15-anyos na dalagita ang nailigtas ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) sa kustodiya ng isang construction worker kung saan ginawa nitong ka-live-in ang biktima sa loob ng isang construction site sa Taguig City.
Sa isinagawang operasyon, agad na inaresto ng pulisya ang suspek habang matagumpay na nailigtas ng mga tauhan ng MDSW sa pamumuno ni Director Jay Reyes Dela Fuente ang biktima na itinago sa pangalang alyas “Little” na pinatira at ginawang live-in partner ng manggagawa sa tinutuluyan nilang barracks sa loob ng construction site.
Nauna dito, nagtungo sa tanggapan ni MDSW Dir. Dela Fuente sina Kagawad Zenaida Flores, Marichu Sieja, at Cherilynn Alejo ng Brgy. 598 Zone 59 sa Damka St. Old Sta Mesa noong nakaraang Huwebes, Nobyembre 20, upang ipagbigay-alam ang nakarating sa kanilang impormasyon hinggil sa isang construction site sa Taguig City kung saan dinala ng suspek ang batang babae na residente sa kanilang lugar.
Nang malaman ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang sitwasyon, binigyan niya ng pahintulot si Dela Fuente na makipag-ugnayan sa Taguig City Police upang makatulong sa pag-rescue sa menor-de-edad na bata sa lugar na pinagdalhan sa kanya ng suspek.
Kinasuhan na ng Taguig police ang suspek habang nagpasalamat naman ang mga opisyal ng Brgy. 598 kay Director Dela Fuente nang bumisitang muli sa Central Office ng MDSW nitong Lunes ng hapon. JAY Reyes