MANILA, Philippines — Magpapakalat ang Manila Police District (MPD) ng humigit-kumulang 1,500 pulis sa mga sementeryo at pangunahing lugar na inaasahang dadagsain ngayong Undas 2026.
Ayon kay MPD spokesperson Maj. Philipp Ines, skeletal force muna ang ide-deploy mula Oktubre 28 hanggang 30, bago ang full deployment mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2.
Tututukan ng seguridad ang Manila North Cemetery, Manila South Cemetery, La Loma Cemetery at Manila Chinese Cemetery, gayundin ang checkpoints at iba pang matataong lugar.
Kabilang sa mga ipagbabawal sa loob ng sementeryo ang baril, patalim, alak, sound system, flammable materials at mga alagang hayop. Bawal din ang pagtitinda sa loob.
Magpapakalat ang MPD ng uniformed at plainclothes police personnel, magsasagawa ng foot patrols at gagamit ng drones para sa aerial monitoring. May CCTV cameras din sa Manila North Cemetery.
Pinaalalahanan naman ang mga magulang na lagyan ng name tag at contact details ang maliliit na bata at magparehistro sa LGU booths malapit sa entrance upang mas madaling matunton sakaling mawala.
Ilalabas din ng MPD sa official social media pages nito ang listahan ng mga isasarang kalsada, alternatibong ruta at mga lugar na maaaring paradahan.
Noong nakaraang taon, mahigit dalawang milyong bisita ang nagtungo sa mga pangunahing sementeryo sa Maynila. RNT