IBINAHAGI ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na umabot na sa 1,513 tonelada ng basura ang kanilang nahakot sa iba’t-ibang lugar sa National Capital Region (NCR) na dulot ng hagupit ng bagyong Carina at habagat.
Nabatid na ang kabuuang nahakot ng MMDA Metro Parkways Clearing Group na nakatambak sa mga kalsada ay simula lamang Hulyo 24 hanggang Agosto 5, 2024.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, tuloy-tuloy pa rin ang paglilinis at paghahakot ng basura na iniwan ng bagyo at inaasahan pang dadami ang makokolekta sa mga susunod na araw. Aniya, hindi matatapos ang problema sa pagbaha kung patuloy ang siklo ng tapon-linis.
Ayon pa sa opisyal, sa mga nagdaang bagyo, ang mga basura na itinatapon kung saan-saan ang pangunahing dahilan ng pagbabara ng mga drainage sa lansangan.
Aniya, hindi umano makadaloy ang tubig ulan nang maaayos kaya’t umaapaw ang mga daluyang tubig kaya nagbabaha.
Nanawagan naman si Artes sa publiko na upang mabawasan o maiwasan ang malawakang pagbaha ay dapat umanong pangasiwaan ang basura ngt tama. Makatutulong umano kung babawasan ang naiipong basura sa pamamagitan ng pagre-recycle, ugaliin din aniya ang pagse-segregate o paghihiwalay ng basura lalo na ang mga nabubulok at hindi nabubulok.
Noong Hulyo 31, sinabi ni Artes na ang MMDA ay gumagawa ng mga proyekto sa pagkontrol ng baha upang matugunan ang patuloy na pagbaha sa Metro Manila. Kasama aniya sa inaprubahang budget ang P2.72 bilyon para sa flood control, P2.26 bilyon para sa capital outlay, at P395.57 milyon para sa maintenance at operation ng 71 pumping stations.
“The MMDA is working on the said budget to cover for the 101 projects across all NCR districts. As of July 2024, 56 are completed while 45 are ongoing,” ayon pa kay Artes.
Matatandaan na noong Hulyo 25 ay ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ahensya na muling suriin ang disenyo ng mga flood control projects matapos bahain ang maraming bahagi ng bansa dahil sa malakas na pag-ulan na dala ng Bagyong Carina at habagat.
Sa kanyang ikatlong State of the Nation Address, iginiit ni Marcos ang pagkumpleto ng mahigit 5,500 flood control projects. Jay Reyes