MALABON CITY, Philippines – Arestado ang 16-anyos na estudyante matapos makuhanan ng pulisya ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana sa Malabon City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, sinabi ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission na habang nagpapatrolya ang kanyang mga tauhan na may kaugnayan sa Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO).
Isang concerned citizen ang lumapit sa kanila at nagbigay ng tip hinggil sa nagaganap umanong illegal drug activities sa Kagitingan Street, Barangay Muzon kaya kaagad rumesponde sa lugar ang mga pulis.
Dito, naaktuhan ng mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 7 ang binatilyo na lantaran umanong binubusisi ang hawak na isang plastic sachet na naglalaman ng nasa 1.44 grams ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana.
Tinurnover ang binatilyo sa pangangalaga ng City Social Welfare and Development (CSWD) at nakatakdang sampahan ng pulisya ng kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Merly Duero)