MANILA, Philippines – Labing-anim na pulis ang nasugatan sa komprontasyon sa pagitan ng mga awtoridad at mga nagpoprotesta sa Bonifacio Global City (BGC), Taguig nitong Huwebes, Setyembre 10, ayon sa Southern Police District (SPD).
Sinabi ni SPD director P/Brig. Gen. Rodel Pastor na nagtamo ng mga pasa, gasgas at sugat ang mga police personnel matapos umanong manlaban ang ilang protesters habang nagreresponde ang mga awtoridad.
Ayon pa sa SPD, may ilang raliyista umanong nangalmot at pisikal na nakipagbuno sa mga pulis.
Nagmartsa ang mga demonstrador patungo sa venue ng 2026 Luzon Economic Corridor Investment Forum na ginanap sa isang hotel sa BGC bago nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng dalawang panig.
Iginiit ni Pastor na nanatiling mahinahon ang mga pulis at nagpakita ng restraint habang pinananatili ang seguridad sa lugar.
Personal ding nagtungo si Pastor sa rally site upang i-assess ang sitwasyon at tingnan ang kalagayan ng mga nasugatang tauhan.
Samantala, sinabi ng human rights group na Karapatan na limang paralegal ang inaresto kaugnay ng protesta—tatlo habang isinasagawa ang rally at dalawa naman sa Tuktukan Police Station sa Taguig. James Catapusan