ANGELES CITY, Pampanga – Umakyat na sa 17 ang bilang ng mga nasawi sa pagbagsak ng isang siyam na palapag na gusaling itinatayo sa Barangay Balibago, habang tatlo pa ang nananatiling nawawala, ayon sa mga awtoridad nitong Martes.
Iniulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) Central Luzon na narekober ang ika-17 biktima dakong alas-4:08 ng madaling araw. Nauna nang nahukay mula sa mga guho ang ika-15 at ika-16 na biktima matapos ang ilang oras na clearing operations. Narekober din ng mga rescuer ang labi ng isang aso sa lugar.
Sa pinakahuling tala, 17 katao na ang kumpirmadong nasawi habang 27 naman ang nailigtas mula sa insidente na naganap bago magbukang-liwayway noong Mayo 24.
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), may mga posibleng paglabag sa occupational safety and health standards sa construction site. Nauna nang isinailalim sa work stoppage order ng DOLE Region 3 ang proyekto dahil sa kakulangan sa safety requirements, ngunit pinayagang ipagpatuloy matapos umanong sumunod ang kumpanya sa mga itinakdang kondisyon.
Sinabi ng mga abogado ng may-ari at contractor ng gusali na handa silang tumulong sa mga naapektuhang pamilya at suportahan ang isang independiyenteng imbestigasyon.
“Una po naming kinausap iyon pong Office of the Mayor po. Sila po ‘yung puwedeng tumulong sa amin at ipinaliwanag din po namin kung kakailangan pong pinansyal na tulong,” ayon kay Atty. Willie Rivera, kinatawan ng may-ari ng gusali.
“Hindi po tatakbo si contractor sa mga assistance na hihingiin ng families. Ang number one priority nila ngayon ay to help the affected families,” ayon naman kay Atty. Nicolai Manguerra, kinatawan ng contractor.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa sanhi ng pagbagsak ng gusali. Mary Anne Sapico