MANILA, Philippines – Patay ang isang 18-anyos na babaeng estudyante matapos mahulog mula sa ledge ng ika-10 palapag ng isang gusali katabi ng Enrique Razon Sports Complex sa Malate, Manila, noong Huwebes, Agosto 13.
Nangyari ang insidente bandang 12:57 p.m. sa kanto ng Noli Agno Street at F. Reyes Street, Barangay 708.
Ayon sa pulisya, may nag-ulat na isang tao ang nasa gilid ng ika-10 palapag. Nang puntahan ito ng mga guwardiya, nakita nilang nakahandusay ang babae sa ledge. Makalipas ang ilang sandali, gumulong siya at nahulog sa lupa.
Isang doktor mula sa De La Salle University (DLSU) ang rumesponde ngunit idineklara siyang dead on arrival.
Kinumpirma ng DLSU na ang biktima ay isang incoming student na huling nanirahan sa Female Athletes Dormitory ng unibersidad sa F. Reyes Street, Barangay 714.
Nakipag-ugnayan na ang DLSU sa mga magulang ng estudyante at sa mga awtoridad. Ang mga estudyanteng nasa paligid ng insidente ay sumailalim sa debriefing at counseling.
Patuloy pang iniimbestigahan ng Manila Police District Homicide Section ang pangyayari at hindi pa natutukoy ang eksaktong dahilan ng pagkahulog ng biktima. RNT/MDS