RIZAL – ARESTADO ang isang 19-anyos na lalaki sa Rodriguez, Rizal dahil sa umano’y panggagahasa sa sarili nitong 14-anyos na kapatid.
Sa bisa ng warrant of arrest nadakip ang malapit sa kaniyang bahay na todo tanggi sa krimen.
“Wala pong katotohanan ‘yan ma’am kasi nasa trabaho po ako niyan eh. Diniin lang nila ako diyan, nasisi lang ako. Wala naman ako hinangad sa kanilang masama dahil kapatid ko sila. Hindi ako natatakot na harapin ‘yung kaso kasi wala naman talaga eh,” depensa naman ng akusado.
Base sa imbestigasyon, noong nakaraang taon pa umano naganap ang panggagahasa sa Taguig. Kabilang sa inireklamo ang amain ng magkapatid na nauna nang nadakip ng pulisya.
“Paulit-ulit na hinalay itong biktima na 14 years old. Ang [sinampahan] ng kaso nito ‘yung kaniyang stepfather na ang nagreklamo ay kapatid niya mismo. At hindi niya alam na kasama rin pala siya na kinasuhan so nagulat siya at meron siyang warrant,” ani Police Lieutenant Colonel Paul Sabulao, Chief ng Rodriguez, Rizal Police.
Walang inirekomendang piyansa para sa kasong rape na kinahaharap ng akusado. RNT