MANILA, Philippines – Nasawi ang isang 19-anyos na person with disability (PWD) matapos ma-trap sa nasusunog na bahay sa Barangay Pitalo, San Fernando, Cebu nitong Lunes, Nobyembre 9.
Naganap ang insidente sa Purok Atis, Sitio Kamunggay, kung saan naiwan ang biktima sa kanilang bahay habang sandaling umalis ang kanyang ina.
Ayon sa ulat ng Cebu Daily News, nagtungo ang ina sa kalapit na bahay ng kapitbahay nang ipagbigay-alam sa kanya na nasusunog na ang kanilang tirahan.
Agad siyang bumalik ngunit hindi na niya nailigtas ang anak dahil mabilis na kumalat ang apoy sa bahay na gawa sa magagaan na materyales.
Natagpuan na lamang ang sunog na bangkay ng biktima sa loob ng kanilang tirahan.
Batay sa ulat ng San Fernando Municipal Police Station, nakatanggap ang mga awtoridad ng tawag tungkol sa sunog bandang alas-12:45 ng hapon.
Pagdating ng mga pulis sa lugar, naapula na ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang apoy.
Tinatayang ₱10,000 ang halaga ng mga ari-ariang napinsala sa insidente.
Ayon sa ulat, wala umanong pinaghihinalaang foul play ang pamilya at tumanggi na rin silang ipasailalim sa autopsy ang labi ng biktima.
Patuloy namang iniimbestigahan ng BFP ang sanhi ng sunog. Mary Anne Sapico