MANILA, Philippines – Naitala ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang 19 na barkong Tsino sa ilang bahagi ng West Philippine Sea (WPS) mula Nobyembre 9 hanggang 16, 2026.
Mas mababa ito kumpara sa 29 na barkong naitala sa nakaraang lingguhang ulat.
Ayon kay AFP spokesperson for the WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, kabilang sa mga namonitor na barko ang mga mula sa People’s Liberation Army Navy (PLAN) at China Coast Guard (CCG).
Sa Ayungin Shoal, namataan ang isang PLAN vessel at limang CCG vessel; sa Bajo de Masinloc, tatlong PLAN vessel at anim na CCG vessel; sa Escoda Shoal, isang CCG vessel; at sa Pag-asa Islands, isang PLAN vessel at dalawang CCG vessel.
Patuloy ang tensiyon sa South China Sea dahil inaangkin ng China ang halos kabuuan ng estratehikong karagatan, na dinaraanan ng mga kalakal na nagkakahalaga ng mahigit tatlong trilyong dolyar kada taon.
May magkakapatong ding pag-aangkin sa teritoryo at karapatang pandagat ang Pilipinas, Vietnam, Malaysia, Brunei at Indonesia sa naturang karagatan.
Noong 2016, nagpasya ang arbitral tribunal sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea na walang legal na batayan sa ilalim ng naturang kumbensiyon ang pag-angkin ng China sa makasaysayang karapatan sa mga lugar na saklaw ng tinatawag na nine-dash line.
Hindi kinikilala ng China ang nasabing desisyon. RNT/MDS