Home METRO 2 American sex offenders naharang ng BI

2 American sex offenders naharang ng BI

MANILA, Philippines- Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Amerikanong nahatulan ng sex crimes sa kanilang bansa sa magkahiwalay na international airport sa Manila at Cebu.

Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang mga pasahero na sina Danny Albera Rodrigues, 52, na naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Hunyo 17, at Kenneth Allen Roedell, 72, na hinarang naman sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) noong Hunyo 10.

“As a consequence of their exclusion they have been placed in our immigration blacklist and perpetually banned from re-entering the Philippines for being undesirable aliens,” ani Tansingco.

Idinagdag niya na ang dalawang pedophile ay mga rehistradong sex offenders (RSOs) na batay sa ilalim ng Philippine immigration act ay itinuring na excludable aliens dahil sa kanilang paghatol sa mga krimen na may kinalaman sa moral turpitude.

Napag-alaman na noong 2003 ay hinatulan si Rodriguez sa dalawang bilang ng sexual assault sa ikalawa at ikatlong antas kung saan ang mga biktima ay wala pang 14 taong gulang.

Samantala, si Roedell naman ay nahatulan noong 2004 para sa panggagasaha at paggawa ng mahalay na gawain laban sa isang 12-anyos na biktima.

Sinabi ni Tansingco na ang pagharang sa dalawang pedophile ay naging posible dahil sa isang dekadang pag-aayos ng kooperatiba sa pagitan ng gobyerno ng US at Pilipinas kung saan ang una ay nangakong magbigay sa huli ng paunang abiso tungkol sa mga nagbibiyaheng sex offenders.

Ang patuloy na exclusion ng mga sex offenders, ayon kay Tansingco, ay bahagi ng #Shieldkids campaign ng BI, na naglalayong hanapin, arestuhin, at i-deport ang mga sexual predator na bumibiktima ng mga batang Pilipino. JAY Reyes