CAVITE, Philippines – Dalawang lalaki ang naaresto matapos umano nilang tangayin ang isang Honda Click na motorsiklong nakaparada sa harap ng bahay ng may-ari sa Holiday Homes, Brgy. Biclatan, General Trias City, Cavite.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Ome,” 26, helper at residente ng Brgy. Langkaan 2, at alyas “Yan,” 28, kapwa residente ng lungsod.
Ayon sa pulisya, dakong alas-4 ng madaling-araw noong Setyembre 27, 2026 nang maganap ang insidente. Nakita sa CCTV ang umano’y pagkuha ng mga suspek sa motorsiklo.
Sa follow-up operation ng Sector 2 ng General Trias City Police Station, natunton ang mga suspek sa Sitio Humayao, Brgy. Langkaan 2. Positibo rin silang kinilala ng biktima bilang mga umano’y kumuha ng kanyang motorsiklo.
Dinala sa himpilan ng pulisya ang dalawang suspek upang sampahan ng kaso sa ilalim ng Republic Act 10883 o New Anti-Carnapping Law. MARGIE BAUTISTA