Bulacan – Arestado ang dalawang babae matapos umanong magbenta at mahulihan ng P1,552,500.00 halaga ng counterfeit exhaust pipes o “tambutso” sa buy-bust operation ng mga awtoridad sa isang bodega sa bayan ng San Rafael.
Sa ulat na nakarating kay PMGEN Robert Morico II, Acting Director ng CIDG, kinilala ang mga suspek na si alyas “Mitch”, 28 at alyas “Princes”, 25, empleyado sa nasabing bodega.
Ayon sa ulat, ikinasa ang operasyon ng CIDG Anti-Fraud and Commercial Crimes Unit kasama ang mga representatives ng Motortrend Trading Corporation at may koordinasyon sa CIDG Regional Field Unit 3 at Police Regional Office 3 sa pagitan ng 6:00 ng gabi hanggang 9:30 ng gabi nitong Nobyembre 13 sa Brgy. Caingin.
Nabatid na nakumpiska sa operasyon ang 192 boxes ng alleged trademark infringing motorcycle exhaust pipes na may halagang P1,552,500.00.
Sinasabing nabilihan at nahulihan ng mga awtoridad ng bulto-bultong counterfeit exhaust pipes kaya inaresto ang mga suspek na nahaharap sa kaukulang kaso. Dick Mirasol III