MANILA, Philippines – Hindi makapaniwala si Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima sa pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na matatapos ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang kanilang imbestigasyon sa loob ng isa hanggang dalawang buwan.
Para kay De Lima, imposible itong matapos dahil sa dami at lawak ng trabaho ng ICI. “Sakop na kaya ang lahat ng kaso ng katiwalian sa infra, at hindi lang flood control projects, sa loob ng dalawang buwan? Imposible! Anong nangyayari? Sinusubukan ba nilang pigilan ang mas independent at mas malakas na ICAIC?” ani De Lima, tumutukoy sa panukalang palakasin ang ICI at bigyan ito ng mas maraming kapangyarihang parusahan ang mga sangkot.
Binanggit niya ang sunset clause sa Section 10 ng Executive Order No. 94: “The ICI shall be rendered functus officio upon the accomplishment of the purposes for which it was created, or unless sooner dissolved by the President.”
“Accomplished na ba ang ICI sa isa o dalawang buwan? Malamang hindi pa, ang layo pa nila!” dagdag niya. “Gusto ba ng Pangulo na buwagin agad ang ICI? Sinimulan lang pero patitigilin bago matapos ang trabaho? Bakit?” tanong pa niya.
Pinasalamatan ni De Lima ang ICI sa kanilang trabaho, gaya ng sinabi rin ni Remulla. “Malaking tulong sila, kahit limitado ang kapangyarihan at resources nila.”
Ayon kay De Lima, puwede pa ring tumanggap ng karagdagang ebidensya ang ICI kahit na na-refer na nila ang ilang kaso sa Ombudsman, lalo na kung may sangkot na malalaking personalidad sa katiwalian sa flood control projects.
“Ongoing pa ang imbestigasyon ng ICI, at nagsisimula pa lang silang magrekomenda ng mga kaso sa Ombudsman,” paliwanag niya.
Binanggit din niya na mas malawak ang mandato ng ICI kaysa sa iniisip ng karamihan. Marami pa silang dapat suriin na posibleng paglabag sa mga batas na nakalista sa EO 94. Kasama rin sa kanilang misyon ang “irekomenda sa mga kaukulang ahensya ang pagpapatupad ng remedies, corrective actions, at legislative measures para matiyak ang maayos na implementasyon ng mga ongoing government flood control at iba pang infrastructure projects.”
Nagsimula ang ICI sa pagdinig ng mga kaso ng katiwalian sa flood control projects noong kalagitnaan ng Setyembre. RNT/MND