MANILA, Philippines – Dalawa lamang sa mga complainant ang dumalo sa unang pagdinig sa Quezon City kaugnay ng mga kasong isinampa laban sa puganteng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang at iba pang akusado sa pagkawala ng dose-dosenang sabungero.
Inililipat sa Quezon City Regional Trial Court ang mga kasong kidnapping with homicide at kidnapping with serious illegal detention mula sa mga korte sa Sta. Cruz at San Pablo sa Laguna at Lipa City sa Batangas matapos aprubahan ng Korte Suprema ang kahilingan ng prosekusyon dahil sa usapin ng seguridad.
Dumalo sa pagdinig sina Diane Loyola at Teresa Japag, kinakasama ng mga nawawalang sabungerong sina Ferdinand Dizon at Nerio Antecristo, kasama ang kanilang mga abogado. Hindi naman dumalo ang iba pang 17 complainant.
Ayon kay Loyola, mas madali na para sa kanila ang pagdalo sa mga pagdinig dahil mas malapit na ang venue.
“Mas madali na po sa aming pumunta dito, medyo malapit na po kaysa sa Sta. Cruz,” aniya.
Sinabi rin niyang wala na siyang komunikasyon sa ilan sa mga complainant at inangking may ilan sa mga ito ang umano’y “nagkaroon na ng payroll.”
“Hindi ko na sigurado doon sa iba kasi nga nagkaroon na ng payroll sila. Hindi ko sure kung makakapunta sila kasi actually wala na rin kaming communication,” ani Loyola.
Sa kabila nito, iginiit niyang ipagpapatuloy nila ang kaso at tutol siya sa mga petisyon para sa piyansa ng ilang akusadong pulis at security personnel.
Dumalo rin sa pagdinig ang state witness na si Elakim Patidongan na nakasuot ng helmet at bulletproof vest. Samantala, nananatiling at large si Ang, bagama’t dumalo sa pagdinig ang kanyang abogado na si Gabriel Villareal. Santi Celario