Home HOME BANNER STORY 2-day transport strike ng PISTON, MANIBELA aarangkada sa Abril 15

2-day transport strike ng PISTON, MANIBELA aarangkada sa Abril 15

Larawan kuha ni Danny Querubin

MANILA, Philippines- Inanunsyo ng transport groups PISTON at MANIBELA nitong Huwebes na magsasagawa sila ng nationwide transport strike sa susunod na linggo sa gitna ng nakaambang deadline para sa konsolidasyon ng public utility vehicle (PUV) drivers at operators.

Batay sa ulat, tatagal ang transport strike ng dalawang araw at magsisimula sa Lunes, Abril 15.

Sa isang panayam nitong Huwebes, nanindigan si PISTON national president Mody Floranda sa kanilang oposisyon sa PUV consolidation, na bahagi ng PUV Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.

“Ang nilalabanan po namin ay ‘yung franchising consolidation, hindi po ‘yung modernization. Malinaw ang ating posisyon sa ilalim ng modernization ay dapat sa ilalim ng rehabilitation,” aniya.

Nitong Miyerkules, inihayag ni Pangulong Ferdinand ”Bongbong” Marcos Jr. na wala nang extension ang April 30 deadline para sa konsolidasyon.

Simula noong 2017, nilalayon ng PUVMP na palitan ang mga jeep ng mga sasakyang mayroon man lamang Euro 4-compliant engine upang ibsan ang polusyon at palitan ang mga unit na hindi na “roadworthy” sa ilalim ng pamantayan ng Land Transportation Office.

Ang konsolidasyon ng indibidwal na PUV franchises sa mga kooperatiba o korporasyon ang inisyal na hakbang ng programa.

Nagkakahalaga ang modern jeepney unit ng mahigit P2 milyon, na state-run banks LandBank at Development Bank of the Philippines na mismo ang nagsabing masyadong mahal para sa PUV drivers at operators.

“Ang sinasabi nila sa ilalim ng modernization, ang gusto lang nilang ayusin ay yung ating mga sasakyan pero bakit kailangan nilang bawiin o kumpiskahin yung ating mga lehitimong prangkisa para pahawak sa malalaking corporation yung ating franchise,” giit ni Floranda.

Samantala, nanawagan ang PISTON sa administrasyong Marcos na tapyasan ang buwis sa mga produktong petrolyo at  busisiin ang Oil Deregulation Law kasunod ng mga taas-presyo kamakailan. RNT/SA