MANILA, Philippines – Dalawang estudyante ang malubhang nasugatan makaraang masabugan ng Liquified Petrolium Gas (LPG) sa Tanza, Cavite.
Ayon sa report, ginagamot ngayon sa Dela Salle University Medical Center ang biktimang sina alyas Ana at alyas Carie, 18, kapwa estudyante at residente ng B17A L2 Lessandra Subd., Brgy. Bagtas, Tanza, Cavite dahil sa tinamong lapnos sa katawan, sanhi ng pagsabog.
Sa ulat, bandang alas-5:30 kamakalawa ng umaga nang naganap ang insidente sa loob ng bahay sa nasabing lugar kung saan isa sa mga nakatira ang nagbukas ng gas stove upang magluto na dahilan ng pagsabog.
Base sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), butas umano ang regulator ng LPG na siyang dahilan ng pagsabog na ikinasugat ng dalawang biktima.
Nakadagdag pa dito na kulob ang lugar kaya malakas ang naging pagsabog at nalapnos ang balat ng dalawang biktima.
Inaalam pa kung magkano ang halaga ng naging pinsala sa naturang lugar. MARGIE BAUTISTA