Home NATIONWIDE 2 hinihinalang kaso ng hantavirus naitala sa Spain

2 hinihinalang kaso ng hantavirus naitala sa Spain

91
0

SPAIN — Nagmamadaling kumilos ang mga health expert upang mapigilan ang posibleng pagkalat ng hantavirus matapos maitala nitong Biyernes ang dalawang hinihinalang kaso na may kaugnayan sa outbreak mula sa luxury cruise ship na MV Hondius.

Kabilang sa mga bagong kaso ang isang lalaki na nagkasakit matapos bumaba sa barko at isang babae na umano’y nahawa matapos maupo malapit sa isang infected passenger sa eroplano.

Ang dalawang kaso ay naitala sa magkalayong lugar, isa sa Spain at isa pa sa Tristan da Cunha, isang liblib na isla sa South Atlantic.

Ayon sa World Health Organization (WHO), anim sa walong hinihinalang kaso mula sa barko ang nakumpirmang hantavirus infection. Tatlo na sa mga ito ang nasawi.

Sinabi ng WHO na ang outbreak sa MV Hondius ang kauna-unahang naitalang hantavirus outbreak sa isang barko at kinabibilangan ng Andes virus, ang tanging uri ng hantavirus na maaaring maipasa mula tao sa tao sa pamamagitan ng matagal at malapit na contact.

Gayunman, tiniyak ng WHO na mababa pa rin ang panganib para sa pangkalahatang publiko.

“Based on the dynamics of this outbreak, based on how it is spreading and not spreading amongst the people on the ship, the people who have disembarked, as well, we continue to consider the risk as low for the general population,” ayon kay Anais Legand, WHO technical officer for viral threats.

Ang MV Hondius ay may lulang 147 pasahero at crew nang unang maiulat ang kumpol ng severe respiratory illnesses habang naglalayag mula Argentina patungong Antarctica at iba pang destinasyon bago nagtungo sa Cape Verde.

Apat na pasyente ang nananatiling naka-confine sa mga ospital sa South Africa, Netherlands at Switzerland.

Ayon sa Oceanwide, operator ng cruise ship, wala nang symptomatic passengers sa barko habang patungo ito sa Tenerife sa Canary Islands kung saan inaasahang dadaan sa screening ang lahat ng pasahero at crew bago makababa.

Sa Spain, isang 32-anyos na babae sa Alicante ang nakitaan ng sintomas na tugma sa hantavirus at kasalukuyang sumasailalim sa pagsusuri.

Ayon sa Spanish health officials, pansamantala siyang nakaupo dalawang hanay sa likod ng isang Dutch passenger mula sa MV Hondius na kalauna’y namatay matapos magkasakit.

Samantala, iniimbestigahan din ang isang British passenger sa Tristan da Cunha na hinihinalang may sintomas ng sakit matapos bumiyahe sakay ng barko noong Abril 13 hanggang 15.

Ayon sa WHO, maaaring umabot sa 50 porsyento ang fatality rate ng hantavirus sa mga infected na pasyente.

Sa kabila nito, iginiit ng mga eksperto na mababa pa rin ang posibilidad ng malawakang hawahan ngunit nananatiling nakaalerto ang mga awtoridad at hinihikayat ang lahat ng posibleng nakasalamuha ng mga pasahero na bantayan ang anumang sintomas. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here