Home METRO 2 holdaper nalambat sa Makati

2 holdaper nalambat sa Makati

MANILA, Philippines – Makaraan lamang ang dalawang oras matapos tangayin ang mahahalagang gamit ng biktima ay agad na naaresto ang dalawang holdaper sa isinagawang follow-up operation ng Makati City police nitong nakaraang Linggo, Hunyo 22.

Kinilala ni Makati City police chief P/Col. Reycon Garduque ang mga nadakip na suspek na sina alyas Bayog, 31 at isang alyas Ian, 25.

Base sa report na isinumite ni Garduque kay Southern Police District (SPD) acting director P/Brig. Gen. Randy Arceo, sa tulong ng isang kaibigan ng biktima ay nadakip ang mga suspek makaraang ma-track sa pamamagitan ng Find My Phone app na naka-install sa natangay na iPhone ng biktima.

Agad na iniutos ni Garduque ang pagsasagawa ng follow-up operation kung saan natunton ng mga operatiba ang mga suspek sa kahabaan ng C5 Service Road ng Barangay Palar, Taguig City.

Sinabi ni Garduque na tinangka pang tumakas ng mga suspek at pumasok sa isang eskinita kung saan kanilang iniwan ang mga nakaw na namahahalagang gamit sa dalawang motorsiklo.

Narekober ng mga operatiba ang camera equipment, personal na gamit ng biktima, at mga dokumento na nag-uugnay sa isang suspect na may kasong kinalaman sa baril.

Dakong alas 8:00 ng gabi ay nakatanggap ang Makati City police ng report mula sa security personnel ng McKinley Hill Village kung kaya’t agad na nakipag-ugnayan sila sa Taguig CPS Sub-Station 3 na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspek na nakuhanan ng kanilang pitaka, IDs, accessories, at dalawang baril.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Makati City police ang mga suspek habang naghihintay ng kanilang pag-inquest sa Makati City Prosecutor’s Office.

“Makati Police acted without hesitation. They tracked, pursued, and recovered—with no time wasted. Their immediate response demonstrates the kind of public service our citizens deserve: alert, able, and accountable,” ani Arceo. James I. Catapusan