MANILA, Philippines – Iniakyat na ng House of Representatives nitong Lunes ang dalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa House Committee on Justice, na hudyat na rin ng pagpatupad ng isang taong pagbabawal sa paghahain ng panibagong impeachment laban sa Pangulo hanggang Enero 26, 2027.
Isinagawa ang referral sa plenary session ng Kamara noong Enero 26.
Ang unang reklamo ay inihain ni abogadong Andre de Jesus at inendorso ng Pusong Pinoy party-list Rep., na inaakusahan ang Pangulo ng betrayal of public trust at culpable violation of the Constitution, kaugnay ng umano’y pag-utos at pagpapahintulot sa pagdukot at pagsuko ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court, pagiging umanong drug addict na umano’y nakaapekto sa kanyang paghatol at pamumuno, at kabiguang i-veto ang unprogrammed appropriations at iba pang sinasabing labag sa Konstitusyon na probisyon ng mga pambansang badyet mula 2023 hanggang 2026.
Ang ikalawang reklamo ay inihain ng Makabayan coalition at inendorso nina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Gabriela Rep. Sarah Elago, at Kabataan Rep. Renee Co, na nag-aakusa ng betrayal of public trust kaugnay ng paggamit ng Baselined-Balanced-Managed Parametric Formula sa paglalaan ng mga proyektong pang-imprastraktura na umano’y nagresulta sa mga “ghost,” substandard, at overpriced na flood control projects.
Alinsunod sa House rules at sa Konstitusyon, pagsasamahin ng House Committee on Justice ang mga reklamo at susuriin kung sapat ang mga ito sa porma at nilalaman. Sa pamamagitan ng mayoryang boto, kinakailangang isumite ng komite ang ulat nito sa plenaryo sa loob ng 60 session days, at bibigyan naman ang Kamara ng 10 session days upang talakayin ito.
Kailangan ang boto ng hindi bababa sa isang-katlo ng lahat ng miyembro ng Kamara upang pagtibayin ang Articles of Impeachment o baligtarin ang salungat na resolusyon.
Nakasaad sa Konstitusyon na “no impeachment proceedings should be initiated against the same official more than once within a period of one year.”
Inihain ang reklamo ni De Jesus noong Enero 19 at tinanggap ng Office of the House Secretary General noong Enero 21. Matagumpay namang naihain ng Makabayan coalition ang kanilang reklamo noong Enero 26 matapos mabigo ang una nilang tangkang paghahain noong Enero 22 dahil nasa official business abroad noon si House Secretary General Cheloy Garafil. Ipinadala ni Garafil ang reklamo ng Makabayan sa Office of Speaker Faustino “Bojie” Dy III sa parehong araw.
Kasama na sa Order of Business noong Enero 26 ang dalawang impeachment complaint. Sa pagbubukas ng sesyon, iginiit ni Dy ang kahalagahan ng pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno, at sinabi, “We must be honest enough to confront the shortcomings of the past. Accountability is not an act of vengeance—it is an act of justice.”
Hanggang sa oras ng paglalathala, hindi pa nagpapakita sa Batasan ang grupong pinamumunuan ng dating mambabatas na si Mike Defensor upang maghain ng hiwalay na impeachment complaint. RNT