Home NATIONWIDE 2 Japanese na wanted sa fraud, arestado ng BI sa Pasay

2 Japanese na wanted sa fraud, arestado ng BI sa Pasay

78
0

MANILA, Philippines – NAARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Japanese national na wanted sa kasong panloloko sa kanilang bansa matapos ang isinagawang operasyon sa Pasay City.

Kinilala ng BI ang mga suspek na sina Oi Takumi, 30, at Okada Sho, 27, na dinakip ng mga operatiba ng BI Fugitive Search Unit (FSU) sa kahabaan ng Roxas Boulevard noong Abril 28.

Ayon sa BI, ang dalawa ay may umiiral na warrant of arrest na inilabas ng Kokura Summary Court sa Japan kaugnay ng kasong fraud sa ilalim ng Japanese Penal Code. Lumalabas sa imbestigasyon na umano’y nagsabwatan ang mga ito upang magsagawa ng financial scam sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang mga law enforcement officer.

Isinagawa ang pag-aresto sa koordinasyon ng National Police Agency ng Japan, na humiling din ng pangangalaga sa mga digital na ebidensya gaya ng mga cellphone at computer upang magamit sa patuloy na imbestigasyon.

Batay sa tala ng BI, huling pumasok sa Pilipinas ang dalawang dayuhan noong Enero bilang mga pansamantalang bisita, ngunit nabigong mag-extend ng kanilang pananatili kaya’t itinuturing na overstaying aliens—isang batayan para sa kanilang deportasyon.

Binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na hindi papayagan ng bansa na maging kanlungan ng mga dayuhang tumatakas sa batas.

“Walang puwang sa Pilipinas ang mga dayuhang umiiwas sa hustisya. Patuloy ang aming pakikipag-ugnayan sa international partners upang matunton, maaresto, at maibalik ang mga pugante sa kanilang bansa,” ani Viado.

Kasalukuyang nakadetine ang dalawang suspek sa BI Warden Facility habang hinaharap ang kasong deportation laban sa kanila. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here