PINAPURIHAN ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang Department of Justice (DOJ) sa isinampang 18 kasong kriminal sa Court of Tax Appeals laban sa dalawang kompanya at kanilang mga opisyal dahil sa nabistong pandaraya gamit ang tinatawag na “ghost receipts” o pekeng resibo.
Kamakailan ay pormal na inihain ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla ang mga kaso laban sa ED Buenviaje Builders, Incorporated at Synergy Sales International Corporation (SSIC), kabilang ang mga opisyal ng mga kompanyang nabanggit dahil sa paglabag sa Sections 254 at 255 ng National Internal Revenue Code of 1997.
Nag-ugat ang mga kasong ito sa reklamo ng BIR noong Nobyembre 22, 2023, kasunod ng masusing imbestigasyon kung saan nadiskubre na ginamit ng nasabing mga kompanya ang mga resibong galing sa mga Shell company na Buildforce Trading, Inc. at Decarich Supertrade, Inc. para ipakita ang pekeng pagbili, palakihin ang gastos, at makakuha ng iligal na VAT credits upang makaiwas sa tamang buwis.
Aabot sa halagang Php 73.3 milyon ang tinatayang buwis na hindi nabayaran, bukod pa sa mga penalty at surcharge.
Ayon kay BIR commissioner Romeo Lumagui, Jr., “Ang kasong ito ay patunay ng walang tigil na kampanya laban sa paggamit ng ghost receipts. Ang sinomang gagamit nito ay makukulong.”
Bahagi ito ng mas malawak na hakbang ng pamahalaan laban sa mga kompanya at indibidwal na sangkot sa ghost receipt scheme.
Noong 2022 pa nauna nang sinampahan ng kaso ang Buildforce at Decarich, na kasalukuyang dinidinig sa mga Korte ng Quezon City.
Binuo rin ni Commissioner Lumagui ang RAFT o ang BIR National Task Force – Run After Fake Transactions na nagsagawa ng audit nitong April 2023 sa mga bumili ng resibo.
Nagpapatuloy pa ang pagsasagawa ng audit ng nasabing task force.
Ayon sa BIR, marami pang buyer ang nakatakdang sampahan ng kaso matapos ang isinasagawang audit.






