MANILA, Philippines – Arestado ang dalawang Korean national matapos magreklamo ang biktima na kanilang kalahi ng pagnanakaw at pananakot sa Parañaque City Linggo ng umaga, Nobyembre 10.
Kinilala ni Parañaque City police officer-in-charge P/Col. Melvin Montante ang dalawang nadakip na suspect na sina alyas Geon at isang alyas Park, kapwa 28-taong gulang.
Ayon kay Montante, naganap ang pag-aresto sa mga suspects ng mga tauhan ng Parañaque City police Substation 2 dakong alas 4:58 ng umaga sa condominium ng biktimang si alyas Changhyeon, 35, sa Barangay Tambo, Parañaque City.
Batay sa isinagawang imbestigasyon, sinabi ng biktima na kanyang pinayagan si alyas Geon na pansamantalang manuluyan sa kanyang condo dahil wala itong trabaho at matutuluyan.
Sa kabila ng kagandahan ng loob na ipinakita ng biktima ay lingid sa kanyang kaalaman na pinapasok ni alyas Geon ang isa pang suspect na si alyas Park na armado ng kutsilyo sa kanyang condo bandang alas 9:00 ng umaga ng Nobyembre 9 at pinasok siya sa kanyang kuwarto.
Habang nakatutok ang kutsilyo ay pilit na kinuha ng mga suspect ang wallet na naglalaman ng ₱40,000, cellular phone, at ang Solaire Hotel VIP card ng biktima.
Tinakot din ng mga suspects si alyas Changhyeon kung kaya’t napilitan itong ibigay ang PIN code ng kanyang VIP hotel card at nakapag-withdraw ang mga suspects ng halagang ₱100,000 ng wala siyang alam kung saan umabot ang nakulimbat ng mga suspects sa halagang ₱140,000.
Makalipas ang ilang oras ay nagbalik sa condo ng biktima si alyas Geon upang kumuha ng iba pang mapagkakaperahang gamit na hindi nito alintana na nakatakas na ang biktima at nakapagreport na sa Parañaque City police Substation 2.
Agad na tinungo ng mga tauhan ng Parañaque City police Substation 2 ang condo ng biktima kung saan inabot nila si alyas Geon na nagresulta ng kanyang pagkakaresto habang si alyas Park naman ay nadakip sa pagsasagawa ng follow-up operation.
Nahaharap sa mga kasong robbery, coercion, at grave threat ang mga suspects sa Parañaque City Prosecutor’s Office.
Pinuri naman ni Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Bernard Yang sa agarang pagresponde ng Parañaque City police na nagresulta ng mabilis na pagdakip ng mga suspects.
“Our officers acted swiftly and efficiently to apprehend the suspects. We are committed to protecting every member of the community, including foreign nationals, against any crimes.” Ani Yang. James I. Catapusan