BUTUAN CITY, Philippines – Naaresto ang dalawang mataas na opisyal ng New People’s Army (NPA) habang dalawa pang miyembro ang kusang sumuko sa magkakahiwalay na operasyon ng mga yunit ng Police Regional Office (PRO) 13 (Caraga) nitong Huwebes.
Sa pahayag ni PRO-13 Director Brig. Gen. Marcial Mariano Magistrado IV, naaresto ng Regional Mobile Force 13 at mga katuwang na yunit si alyas “Jasper,” 29, ikatlong most wanted sa rehiyon, sa Esperanza, Agusan del Sur.
Si Jasper ang vice team leader ng Sandatahang Yunit Pampropaganda Squad 1, Platoon Banglas ng dating NPA Guerrilla Front 88, South Regional Command 3, North Central Mindanao Regional Committee.
Samantala, inaresto rin ng mga operatiba ng Carmen Municipal Police Station at ng 36th Infantry Battalion (IB) si alyas “Nicko,” 49, dating commanding officer ng huminang Guerrilla Front 30 ng North Eastern Mindanao Regional Committee (NEMRC), sa Carmen, Surigao del Sur.
Sa parehong araw, dalawang NPA combatants ang boluntaryong sumuko sa pulisya at militar, ayon kay Magistrado.
Si alyas “Jose,” 29, squad leader at medic ng Squad 2 Alpha, Regional Sentro de Gravidad-NEMRC, ay sumuko sa Cantilan Municipal Police Station at 75th IB sa Barobo, Surigao del Sur. Nagsauli siya ng isang rifle grenade at isang memory card na naglalaman ng sensitibong impormasyon ng NPA gaya ng tactical guides, combat procedures, at mga plano para sa susunod na operasyon.
Gayundin, si alyas “Papa Lobe,” 53, regional coordinator ng Kilusang Mayo Uno-NEMRC white area, ay boluntaryong sumuko sa Cabadbaran City Police Station at nagsauli ng isang .45-caliber pistol na may mga bala.
“Ang mga tagumpay na ito ay patunay ng lumalaking epekto ng ating pinagsanib na operasyon upang pahinain ang NPA at panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon. Pinupuri ko ang ating mga operatiba sa kanilang pagsisikap na nagdala ng mga mahahalagang tagumpay,” ani Magistrado. /Mary Anne Sapico