SANTA MARIA, Ilocos Sur – Patay ang dalawang menor de edad sa banggaan ng motorsiklo sa isang tulay sa Barangay Laslasong dito noong Lunes.
Kinilala ni Police Major Macario Dulawan Jr., hepe ng pulisya dito, ang mga biktima na sina Junjun, driver ng motorsiklo, at back rider na si Sonny, mga residente ng Barangay Lingsat, sa bayang ito.
Sinabi ni Dulawan na nawalan ng kontrol si Junjun sa motorsiklo na bumangga sa sementadong rehas.
Tumilapon ang mga biktima sa layong 20 metro at nagtamo ng malubhang pinsala. Dinala sila sa ospital kung saan idineklara silang patay.
Sinabi ni Dulawan na walang helmet ang mga biktima at lasing sila nang mangyari ang aksidente.
Pinaalalahanan ng pulisya ang mga tao na huwag magmaneho ng anumang sasakyan kapag lasing upang maiwasan ang mga aksidente. RNT