MANILA, Philippines – Ipinatawag ng Land Transportation Office (LTO) ang dalawang motorista na nag-viral matapos magsuntukan sa initan sa trapiko sa Cainta, Rizal.
Sa viral video, makikita ang dalawang lalaki, kung saan ang isa sa kanila ay walang suot na pang-itaas, na nagpapalitan ng suntok sa kalsada nitong Linggo, Pebrero 1.
Naghahamon ang lalaking walang suot na damit hawak ang isang baseball bat ngunit napatumba ng isa pang motorista nang suntukin ito.
Naulit pa ang suntukan hanggang sa muli na namang tumumba ang lalaking walang damit.
Ayon sa uploader ng video, nagsimula ang initan ng dalawa sa kalsada sa bisinidad ng Cainta Junction nang businahan ng isa sa mga drayber ang isa pa nang subukan nitong i-cut ang linya ng sasakyan.
Sinubukan nang iwasan ng isa sa mga sasakyan ang komprontasyon ngunit naghamon ang isa pa dahilan para mauwi ito sa suntukan.
Dahil dito ay nakuha ang atensyon ng LTO at nag-isyu ng show cause order laban sa dalawang motorista at pinagpapaliwanag kung bakit hindi dapat matanggalan ng lisensya ang mga ito.
Sa imbestigasoyn, lumabas pa na paso na ang rehistro ng isa sa dalawang sasakyan.
Sa ngayon ay inilagay muna sa 90 araw na preventive suspension ang driver’s license ng dalawang lalaki.
“Hindi tatanggapin ng LTO ang anumang pag-uugali na nagdudulot ng panganib sa ibang mga motorista o hindi pinapahalagahan ang mga regulasyon sa transportasyon,” pahayag ni LTO chief and Assistant Transportation Secretary Markus Lacanilao.
Inatasan ang dalawang motorista na magpasa ng kanilang verified explanation sa LTO Intelligence and Investigation Division (IID) sa Pebrero 5.
Pinagpapaliwanag ang mga ito kung bakit hindi sila dapat mapanagot sa administrative cases katulad ng obstruction of traffic, reckless driving, failing to comply with the compulsory registration of motor vehicles, at pagiging improper person to operate a motor vehicle.
Inalarma na rin ng LTO ang kani-kanilang mga sasakyan. RNT/JGC