MANILA, Philippines – Dalawang truck ang bigla na lamang nasunog habang nakaparada sa isang parking area sa Vitas, Tondo, Maynila umaga ng Lunes, Marso 30.
Sa inisyal na ulat ng MPD Raxabago Police Station 1, nagsimula ang sunog alas-11:20 ng umaga sa Coliseum de Manila Compound Vitas sakop ng Barangay 101.
Ayon sa may-ari ng truck na si Roxanne Sabangan Flores ng Rise Ville Courier Services ay nakita na lamang niya ang kanyang truck na nasusunog.
Agad itong humingi ng tulong sa barangay at itinawag naman sa bumbero.
Ayon sa BFP Manila Fire District, Intelligence and Investigation Section, sampung minuto lamang tumagal ang sunog at naapula rin bandang alas-11:30 ng umaga.
Kabilang sa mga nasunog na sasakyan ang isang (1) FOTON F.Van na kulay puti na may plate no. NJA9225 at isang (1) FOTON F. Van na kulay puti white na may plate no. CDA9651.
Wala namang residente na nasaktan sa insidente.
Ang sanhi ng sunog at halaga ng pinsala ay patuloy pang inaalam ng mga awtoridad. Jocelyn tabangcura-Domenden