Home METRO 2 patay sa banggaan ng tricycle, pick-up truck sa Samar

2 patay sa banggaan ng tricycle, pick-up truck sa Samar

MANILA, Philippines – Patay ang isang barangay kagawad at pasahero nito nang magbanggaan ang isang tricycle at pick-up truck sa Barangay Bagolibas, Santa Rita, Samar, nitong Huwebes, Pebrero 8.

Kinilala ang mga nasawi na sina barangay kagawad Joel Cabotin ng Barangay San Isidro, Santa Rita, na siyang drayber ng tricycle, at pasahero nitong si Maria Mae Mendaño, 26, mula sa Barangay Parasanon, Pinabacdao, Samar.

Sa imbestigasyon, lumihis sa kabilang lane ang tricycle upang iwasan sana ang lubak dahilan para lumihis din ng linya ang pickup truck upang iwasan naman ang tricycle.

Bumalik sa linya nito ang tricycle ngunit nakabanggaan pa din ang pick-up truck na lumihis naman pa-kaliwa saka tumama sa motorsiklong nakaparada sa gilid ng kalsada.

Dinala pa sa Basey District Hospital sa Basey, Samar ang drayber at pasahero ng tricycle ngunit idineklarang patay matapos magtamo ng serious injuries.

Nasaktan naman sa insidente ang isa pang pasahero ng tricycle na si Catherine Mendaño, 28.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang drayber ng pick-up truck. RNT/JGC