MANILA, Philippines – Arestado ang isang Chinese national na wanted sa kanyang bansa matapos makapambiktima ng mahigit $900,000 sa pamamagitan ng fraudulent investment schemes.
Naaresto ng Fugitive Search Unit ng Bureau of Immigration ang 36-anyos na suspek sa operasyon sa Aseana Avenue sa Barangay Tambo noong gabi ng Setyembre 29.
Bukod sa pagiging pugante, ang suspek ay napag-alaman din na isang overstaying alien.
Ang naturang Chinese ay wanted sa Jiutai District Court sa Chang Chun City, Jilin Province, China, para sa illegal absorption ng public deposits.
Nakikipagsabwatan umano ang suspek sa iba pang Chinese nationals sa panloloko ng 6.54 RMB (renminbi) o nasa $918,603 mula sa 42 investors mula 2016 hanggang 2019.
Sa kaparehong operasyon, naaresto din ng mga ahente ng BI ang isa pang Chinese national na may active derogatory records at nahaharap sa hold departure order mula sa Parañaque City court.
Nasa kustodiya na ng BI ang dalawang dayuhan para sa booking at documentation procedures at ituturn-over sa Warden Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City. RNT/JGC