MANILA, Philippines – Patay ang dalawang regional leader ng New People’s Army matapos ang sagupaan sa pagitan ng tropa ng 79th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army at rebeldeng grupo sa Cadiz City, Negros Occidental nitong Sabado, Enero 8.
Sa ulat nitong Linggo, kinilala ng 79IB ang mga nasawi na sina Hans “Jojo” Ponteras, nasa 40 anyos, acting regional front secretary at finance officer ng Regional Taxation Implementing Group of Komiteng Rehiyon-Negros, Cebu, Bohol, Siquijor; at Marissa Pobresa, 23, dating squad member na kalaunan ay naging primary staff ni Ponteras, at regional communications officer ng unit.
Sa pahayag, inilarawan ni Lt. Col. Arnel Calaoagan, commander ng 79IB, ang pagkamatay ng dalawa bilang isang “major setback” sa communist group sa Negros at buong Visayas region.
“The neutralization of their sitting regional front secretary, at the same time regional finance officer, and their communications officer signals their near decimation,” dagdag pa niya.
Narekober ng mga awtoridad sa lugar ng sagupaan ang mga armas, granada, antigovernment documents, at extortion letters na pirmado ni Ponteras sa ilalim ng alyas na “Armando Magbanua.” RNT/JGC