MANILA, Philippines – Dalawang rehiyon na lamang ang hindi pa naglalabas ng mga kautusang nagtataas ng sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor, iniulat ng Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Huwebes, Disyembre 26.
Sinabi ng DOLE sa isang pahayag na ang proseso ng pagtukoy sa sahod ay kasalukuyang isinasagawa sa Regions 5 (Bicol) at 11 sa Davao.
Ayon sa DOLE, nagdesisyon ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) 5 na ipagpaliban ang proseso ng pagtukoy sa minimum wage dahil sa epekto ng Severe Tropical Storm Kristine, na nanalasa sa rehiyon noong huling bahagi ng Oktubre.
“The wage board will resume the process as soon as circumstance permits or after three months from November 7, 2024, or in February 2025,” saad ng DOLE.
Samantala, kasalukuyang nagsasagawa ng konsultasyon ang RTWPB 11 sa ibat-ibang stakehlder sa rehiyon.
Ang huling naglabas ng bagong wage orders ay ang RTWPBs 10 (Northern Mindanao) at National Capital Region (NCR).
Para sa Rehiyon 10, nagbigay ang wage board ng pagtaas ng P23 para sa non-agriculture sector at P35 para sa sektor ng agrikultura na ibibigay sa dalawang tranches.
Ang mga pagtaas na ito ay magdadala sa pinakamababang antas ng sahod sa rehiyon sa hanay na P446 hanggang P461 sa ganap na pagpapatupad. Magiging epektibo ang wage order sa Enero 12, 2025 habang ang pangalawang tranche ay ibibigay sa Hulyo 1, 2025.
Gayundin, ang RTWPB NCR, sa pamamagitan ng Wage Order No. NCR-DW-05 ay pinagbigyan ang P500 buwanang pagtaas sa sahod para sa domestic workers o kasambahays sa buong rehiyon. Ang pagtaas sa nagdala sa sektor ng buwanang minimum wage na P700.
Magiging epektibo naman ang wage order sa NCR sa Enero 4, 2025.
Ang ibat-ibang RTWPBs sa 14 rehiyon na naaprubahan na ang wage adjustments ay NCR, Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Soccsksargen, at Caraga. Jocelyn Tabangcura-Domenden