MANILA, Philippines – Patay ang dalawang holdaper habang sugatan naman ang isa sa mga rumespondeng pulis nang makipagbarilan ang mga ito matapos holdapin ang isa ring pulis na nagsasagawa ng surveillance operation sa Taguig City Huwebes ng tanghali, Nobyembre 12.
Sa report na isinumite kay Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Rodel Pastor nakilala ang isa sa mga suspek na si alyas Flor, 47, habang hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng isa pang suspek na kasama nito kung saan narekober sa posesyon ng mga ito ang kuwintas na ninakaw sa biktima.
Kapwa nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang mga suspek kung saan idineklara ang mga ito na dead on the spot.
Base sa inisyal na pagsusuri ng Taguig City police, nangyari ang engkwentro sa pagitan ng mga suspek at ng mga operatiba bandang alas-12:40 ng tanghali sa kanto ng Cayetano Boulevard at Bagong Calzada, Barangay Ususan, Taguig City.
Sa paunang imbestigasyon, napag-alamang nagsasagawa ng surveillance operation ang biktima kasama ang tatlo pang miyembro ng Station Intelligence Section ng Taguig City police sa nasabing lugar kaugnay ng isang Most Wanted Person na minamanmanan sa lugar.
Habang nakatayo sa tabi ng isang pares store at carwash, nilapitan ang biktima ng dalawang lalaking suspek na nagdeklara ng holdap at tinutukan siya ng baril.
Sapilitang kinuha ng isa sa mga suspek ang kuwintas ng biktima habang patuloy naman siyang tinututukan ng baril ng kasabwat nito. Agad na humingi ng tulong ang biktima sa pulisya sa pamamagitan ng pagtawag sa 911.
Mabilis namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Sub-Station 4 kasama ang mga intelligence operative at pagdating sa lugar ay namataan nila ang dalawang suspek na nagtatangkang tumakas sakay ng motorsiklo.
Bago tuluyang makatakas, umano’y pinaputukan ng mga suspek ang mga rumespondeng pulis dahilan upang gumanti ng putok ang mga ito at humantong sa isang armadong engkuwentro.
Sa palitan ng putok, tinamaan din ng bala ang isa sa mga rumespondeng intelligence personnel ng Station Intelligence Section ng Taguig CPS na umano’y pinaputukan ng mga suspek at agad naman itong isinugod sa The Medical City–Taguig upang mabigyan ng kaukulang lunas.
Nagsagawa naman ng crime scene processing ang SPD Forensic Unit, kabilang ang dokumentasyon, pagkuha ng mga larawan, pagsusuri at pangangalap ng mahahalagang ebidensiya. Siniguro rin ang mga baril, bala, motorsiklo at iba pang mga bagay na narekober sa pinangyarihan ng insidente para sa kaukulang pagsusuri at imbestigasyon.
Patuloy na iniimbestigahan ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ng Taguig CPS ang insidente upang matukoy ang buong pangyayari at makumpirma ang pagkakakilanlan at pagkatao ng mga suspek. (James I. Catapusan)