Home NATIONWIDE 2 SAF members na bodyguard ng Chinese nat’l sibakin sa pwesto –...

2 SAF members na bodyguard ng Chinese nat’l sibakin sa pwesto – PNP chief

MANILA, Philippines- Nais ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Rommel Francisco Marbil na matanggal sa serbisyo ang dalawang miyembro ng Special Action Forces (SAF) na umano’y nagtrabaho rin bilang security guards ng isang Chinese citizen.

“Hindi po tama. It affects ‘yung PNP as a whole and remember ang hinahabol namin is to bring back our dignity,” giit ni Marbil, ayon sa ulat nitong Biyernes.

“Gusto ko dismissal hindi po kami papayag na suspension lang. Kung sino po talaga nagkamali, then go go for dismissal. Iyon po ang utos ko sa IAS [Internal Affairs Service],” dagdag niya.

Nitong weekend, dalawang SAF personnel ang naaresto kasunod ng isang kaguluhan, kung saan isa sa kanila ang nasugatan sa noo.

Inamin ng mga pulis, kapwa naka-deploy sa Zamboanga City, na nagtatrabaho sila bilang personal bodyguards ng isang Chinese national sa Alabang, Muntinlupa City.

Iniimbestigahan ang siyam na SAF personnel dahil sa insidente.

Samantala, kasalukuyang nasa ilalim ng restrictive custody sa SAF Headquarters sa Fort Sto. Domingo sa Santa Rosa City, Laguna ang mga naarestong parak. Sumailalim sila sa preliminary investigation para sa alarm and scandal charges sa Muntinlupa City Prosecutor’s Office.

Tumanggi silang magkomento ukol dito.

“Meron tayong nakitang talagang lapses, deliberate na pagkakamali pero imbestigahan natin. Kapag may makita pa tayong mas malaking maisasama diyan wala naman tayong sasantuhin diyan,” ani SAF Director Police Brigadier General Mark Pespes.

Isasailalim din ang pito pang pulis na sangkot sa isyu sa kustodiya ng pasilidad.

Base sa alituntunin ng PNP, tanging Police Security Protection Group ang pwedeng magbigay ng seguridad sa mga awtorisadong indibidwal. RNT/SA