MANILA, Philippines – ARESTADO ng mga awtoridad ang dalawang South Korean national na wanted sa kanilang bansa kaugnay ng magkahiwalay na kasong pandaraya, sa ikinasang operasyon sa General Trias City, Cavite, nitong Martes, Nobyembre 24.
Ayon sa ulat, nasa edad 25 at 29 ang dalawang suspek na kapwa residente ng isang subdivision sa nasabing lungsod.
Isinagawa ang pag-aresto dakong alas-12:30 ng tanghali ng Provincial Intelligence Unit (PIU), katuwang ang Bureau of Immigration (BI), Naval Intelligence at Korean Interpol, alinsunod sa magkahiwalay na Red Notice na inilabas ng International Criminal Police Organization (Interpol).
Ang 25-anyos na suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Special Act on the Prevention of Loss Caused by Telecommunications-Based Financial Fraud and Refund for Loss ng South Korea.
Samantala, ang 29-anyos na suspek ay wanted dahil sa umano’y paglabag sa Act on the Aggravated Punishment of Specific Economic Crimes kaugnay ng kasong pandaraya.
Matapos arestuhin, kapwa dinala ang mga ito sa tanggapan ng Bureau of Immigration sa Maynila para sa kaukulang deportation proceedings.
Hindi naman tinukoy sa ulat ang pagkakakilanlan at kasarian ng dalawang suspek. RNT