MANILA, Philippines – Dalawang sundalo ng Philippine Army (PA) ang nasugatan sa 15 minutong palitan ng putok sa pagitan ng militar at pitong hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Bulalacao, Oriental Mindoro nitong Lunes, Nobyembre 23.
Ayon kay Col. Michael Aquino, tagapagsalita ng 2nd Infantry Division (2ID), nagsasagawa ng combat operations ang mga tauhan ng 1st Infantry Battalion sa ilalim ng 203rd Infantry Brigade sa kabundukan ng Sitio Gatol, Barangay San Roque, nang makasagupa ang mga hinihinalang rebelde dakong alas-8:35 ng umaga.
Sugatan sa balikat at braso ang dalawang sundalo. Dinala sila sa Bulalacao Community Hospital para gamutin at kalaunan ay pinayagang bumalik sa kanilang batalyon.
Pinaniniwalaan din ng militar na may mga rebelde umanong nasugatan sa engkuwentro, ngunit isinama sila ng kanilang mga kasamahan habang tumatakas. Patuloy pang bineberipika ang bilang ng nasawi o nasugatan sa panig ng NPA.
Narekober sa lugar ang isang M16 rifle, 26 na bala, 32 basyo ng bala, tatlong steel magazine, mga kagamitang medikal, pagkain at personal na gamit.
Nagpatuloy ang operasyon ng mga puwersa ng pamahalaan upang matunton ang mga tumakas na rebelde.
Ayon kay Brig. Gen. Melencio Ragudo, commander ng 203rd Infantry Brigade, konektado umano ang grupong nakasagupa nila sa mga rebelde na naengkuwentro rin ng militar noong Oktubre 15.
Simula 2026, nag-ulat ang militar ng sunod-sunod na engkuwentro, pagkakadakip sa mga miyembro at lider ng NPA, at pagkakarekober ng mga armas sa Abra de Ilog, San Jose, Magsaysay, Naujan at Bulalacao.
Kabilang sa mga operasyon ang pagkakaaresto noong Oktubre kay Miguel Magbata, alyas “Mikoy,” na umano’y nangangasiwa sa operasyon ng mga rebelde sa katimugang bahagi ng Oriental Mindoro.
“We will sustain our combat operations against the remaining NPA groups in Mindoro to prevent them from regrouping and posing further threats to our communities,” pahayag ni Ragudo.
Samantala, tiniyak ni 2ID commander Maj. Gen. Arsenio Sadural na ipagpapatuloy ng militar ang kampanya upang wakasan ang matagal nang insurhensiya sa Mindoro, habang bukas pa rin ang pagkakataon para sa mga natitirang rebelde na sumuko nang mapayapa at makabalik sa kanilang pamilya.
“We are determined to build on what we have accomplished this year and bring this decades-long armed conflict in Mindoro to an end,” ani Sadural. RNT/MDS