MANILA, Philippines – Ibinuking ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Miyerkules ang hindi bababa sa dalawang pinaghihinalaang ghost infrastructure project sa Taguig City, na balwarte ni Senate Minorjty Leader Alan Peter Cayetano.
Batay sa mga paunang natuklasan ng kanyang grupo, sinabi rin ni Lacson na kapansin-pansin ang napakaraming slope protection at drainage projects—karamihan ay nagkakahalaga ng P100 milyon bawat isa – na may pinagsamang halaga na P2.085 bilyon.
“TAGUIG GHOST INFRA PROJECTS UPDATE: We have documented at least 2 case studies so far. Too many P100M slope protection and drainage projects totaling P2.085B out of the P6.79B insertions under the 2025 GAA,” aniya sa X.
“There is no turning back!” dagdag niya.
Nauna nang sinabi ni Lacson na kabilang sa kanilang mga paunang natuklasan ang mga proyektong kinasasangkutan ng mga kumpanyang pagmamay-ari ng pamilya Discaya ngunit ipinatupad ng ibang contractor sa ilalim ng 5% royalty scheme, gayundin ang iba pang kahalintulad na mga proyektong ipinagkaloob sa Topnotch Catalyst Builders, na kabilang sa 15 pinakamalalaking flood control project contractors na binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong nakaraang taon.
Ang mga proyekto, kabilang ang mga kinasasangkutan ng mga kumpanyang pagmamay-ari ng pamilya Discaya, ay nagsimula pa noong 2019 at 2020, nang si Cayetano ang Speaker ng Kamara.
Dagdag ni Lacson, ilan sa mga depektibong proyekto ay may overlapping spans na mistulang nagbubukas ng pagkakataon para sa kickback. Ang iba naman ay sinubukang “kumpunihin” kahit kabilang sa mga ghost project.
Diin ni Lacson na patuloy siyang nangangalap ng dokumentaryo at testimonial na ebidensiya kaugnay ng P6.79 bilyong budget insertions ni Cayetano, gayundin ng umano’y 25% kickback sa mga slope protection at iba pang infrastructure project, sa tulong ng mga impormante at testigo.
Idinagdag niya na sa 70 proyekto sa ilalim ng P6.79-bilyong budget insertions sa 2025 General Appropriations Act (GAA), 68 ang naipatupad, habang ang dalawang proyekto na nagkakahalaga ng P75 milyon ay nanatiling hindi nailabas o hindi naobliga ang pondo.
“(Cayetano) asked for it, I’ll give it to him. I will pursue this to its logical conclusion. I will not ‘invent’ or ‘fabricate’ evidence but because of his attack on my integrity, I will exert extra effort to find those pieces of evidence, documentary or testimonial,” giit ni Lacson. Ernie Reyes