MANILA, Philippines – Tinutugis na ng pulisya ang dalawang hinihinalang miyembro ng robbery group na nakatakas matapos mapatay ang limang kasamahan nito sa magkahiwalay na shootout sa mga awtoridad sa Bacoor City, Cavite nitong Martes ng hapon, Nobyembre 3.
Ang dalawang suspek na nakatakas sakay ng motorsiklo ay pinaghahanap pa rin, ayon sa Bacoor police.
Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng intelligence information na planong nakawan ng mga armadong kalalakihan ang isang mayamang indibidwal na nakatira sa high-end subdivision sa lugar.
Bilang tugon ay nagpadala ng mga pulis sa lugar at nagsagawa ng simultaneous Oplan Sita operations, o anti-criminality checkpoints.
Kalaunan ay nakita ng mga pulis na pinangungunahan ni Bacoor police chief Lt. Col. Alexie Desamito, ang dalawang kahina-hinalang lalaki na sakay ng motorsiklo kung saan ang isa ay nakasuot ng puting uniporme ng security guard.
Iniulat din na nakasunod dito ang isang Toyota Vios.
Binuntutan ng mga pulis ang motorsiklo at kotse bago pahintuin ang mga ito para sa inspeksyon.
Sa halip na tumugon ay nagpaputok ang sakay ng mga ito saka tumakas na nauwi sa habulan.
Kasabay ng habulan, nahulog sa sasakyan ang isa sa mga suspek.
Pagdating sa Molino flyover sa Barangay Molino 4 ay nagpaputok ulit ang mga suspek sa mga pulis.
Dito na bumangga ang kotse at bumaliktad. Nasawi ang dalawa pang suspek dito.
Ang dalawang nakaligtas na suspek naman ay nanguha ng motorsiklo mula sa isang rider saka tumakas.
Hinabol ang mga ito ng mga pulis at napatay din sa shootout. RNT/JGC