Home METRO 2 suspek na sangkot sa pamamaril sa pulis Makati, nalambat

2 suspek na sangkot sa pamamaril sa pulis Makati, nalambat

Dalawa sa apat na suspek na sangkot sa pamamaril ng nakaraang buwan sa isang pulis Makati ang nadakip ng mga tauhan ng Poblacion Substation ng Makati City police nitong Martes, Marso 5.

Kinilala lamang ng Makati City police ang mga nadakip na suspects na sina alyas “Mark” at “Christian”.

Ang pagkakaaresto sa mga suspects ay bunsod sa kanilang pagkakasangkot sa pamamaril ng isang pulis Makati na tinamaan ng bala sa kaliwang binti na naganap dakong alas 11:50 ng gabi noong Pebrero 25 sa kahabaan ng Don Chino Roces Avenue malapit sa Malolos Street, Barangay Tejeros, Makati City.

Sa pagsasagawa ng isang dragnet operation sa panulukan ng Chino Roces Avenue at Buendia Avenue sa Barangay Pio Del Pilar, Makati, ay nasita ng mga operatiba ang isang motorsiklo na minamaneho ng nakasuot na ride-hailing uniform na may angkas na nakasuot naman ng kulay pulang t-shirt na tumutugma sa deskripsyon ng dalawa sa kasamahan ng mga suspects na bumaril sa pulis Makati.

Sa proseso ng pagbeberipika ay narekober ng mga operatiba sa posesyon ng mga suspects ang isang .38-kalibre rebolber na kargado ng tatlong bala at isang 13-pulgada patalim na nagresulta ng kanilang pagkakaaresto.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Makati police ang mga suspects na nahaharap sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Regulation Act at illegal possession of a bladed weapon.

Patuloy naman ang pagsasagawa ng manhunt operation ng Makati City police para sa ikadarakip ng dalawa pang suspects kabilang na ang bumaril sa pulis na hanggang sa kasalukuyan ay nananatili pa ring nakalalaya. (James I. Catapusan)