MANILA, Philippines – Dalawang kabataan ang nasawi habang isa pa ang nasugatan matapos bumangga ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa konkretong bakod sa Catanauan, Quezon nitong Sabado ng madaling-araw, Oktubre 11.
Ayon sa ulat ng Quezon police, nawalan ng kontrol ang driver na si “Aries,” 17, habang binabaybay ang kurbadang bahagi ng national road sa Barangay Tagbacan Ibaba bandang 3:20 a.m.
Sumalpok ang motorsiklo sa konkretong bakod sa gilid ng kalsada na noon ay madulas dahil sa ulan.
Dahil sa tindi ng impact, nagtamo ng malulubhang sugat si Aries at ang kanyang mga angkas na sina “Sheena,” 16, at “Jairus,” 18. Agad silang isinugod ng mga rescuer sa pinakamalapit na ospital.
Idineklara namang dead on arrival sina Aries at Sheena, ayon sa ulat ng pulisya.
Hindi pa malinaw kung ang mga biktima ay nakasuot ng helmet alinsunod sa Motorcycle Helmet Act of 2009. RNT/JGC