Home METRO 2 timbog sa ‘paihi’ ng LPG sa Laguna

2 timbog sa ‘paihi’ ng LPG sa Laguna

58
0

MANILA, Philippines – Dalawang lalaki ang inaresto matapos maaktuhan sa ilegal na pagsasalin at refilling ng liquefied petroleum gas (LPG) sa San Pablo City, Laguna, ayon sa pulisya.

Batay sa San Pablo City Police Station, nakatanggap ng ulat ang Tactical Operations Center bandang alas-3:00 ng madaling araw ng Sabado mula sa mga nagpapatrolyang pulis sa Barangay San Vicente.

Ayon sa pulisya, napansin ng mga awtoridad ang isang LPG tanker na nakaparada sa madilim na bahagi ng kalsada at nagsasagawa ng paglilipat ng gas mula sa mga cylinder patungo sa isang maliit na truck.

Agad nagsagawa ng beripikasyon at inspeksyon ang mga pulis at dito natuklasan na walang kaukulang permit o awtoridad ang mga suspek para sa naturang refilling at transfer operation.

Kinilala ang mga naaresto na isang 39-anyos na driver mula Los Baños at isang 35-anyos na residente ng San Pablo City.

Nakumpiska mula sa kanila ang 40 LPG cylinders, isang hose na ginagamit sa pagsasalin ng gas, isang tanker truck, trailer truck, at isang elf truck na walang plaka.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 11592 o Liquefied Petroleum Gas Industry Regulation Act at BP Blg. 33 kaugnay ng ilegal na pagmamay-ari ng produktong petrolyo.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang mga suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here