Home METRO 2 timbog sa Pasay drug ops, higit ₱322K shabu nakumpiska

2 timbog sa Pasay drug ops, higit ₱322K shabu nakumpiska

MANILA, Philippines- Arestado ang dalawang drug suspects sa isinagawang anti-illegal drug operations ng pinagsanib na pwersa ng mga operatiba na pinangunahan ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) at nagresulta sa pagkakumpiska ng ₱322,048 halaga ng shabu nitong nakaraang Miyerkules sa Pasay City.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Mark Pespes ang mga nadakip na suspek na sina alyas Mark na isang high value individual (HVI) at si alyas Junivoy na isa namang street level individual (SLI).

Base sa report na natanggap ni Pespes, naganap ang matagumpay na pag-aresto sa mga suspek ng pinagsanib na pwersa ng DDEU-SPD, DID-SPD, DMFB-SPD, PDEA-SDO, at ng Pasay CPS Sub-Station 4, dakong alas-12:30 ng madaling araw sa Cementina Public Cemetery na matatagpuan sa Arnaiz Avenue, Pasay City.

Sa ikinasang operasyon ay nakumpiska sa posesyon ng mga suspek ang isang transparent plastic bag na naglalaman ng 47.36 gramo ng pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng ₱322,048, perang ginamit sa operasyon bilang buy-bust money at bogus na pera na nakapaibabaw sa sa genuine money na nagkakahalaga ng ₱54,000.

Makaraan ang kanilang pagkakaaresto ay agad na isinailalim sa drug test sina alyas Mark at alyas Junivoy na nagpositibo ang resulta ng isinagawang test.

Napag-alaman na dati na ring nasangkot sa ilegal na droga ang mga suspek na nakumpirma sa pamamagitan ng Investigation Solution Automatic Verification (ISAV).

Nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 26 ng Republic Act (RA) 9165 ang mga suspek na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng DDEU. James I. Catapusan