MANILA, Philippines – Binaril sa Davao City ang dalawang babaeng nagtitinda ng prutas sa Orchids Street sa gilid ng Ubalde Elementary School sa Barangay Ubalde, Agdao District, Davao City.
Ayon sa Davao City Police Office (DCPO), agad na dinala sa Southern Philippine Medical Center (SPMC) ang mga biktima ng Barangay Disaster Quick Reaction Team ng Barangay Ubalde.
Sa inisyal na report ay napag-alaman na ang dalawang babae ay edad 48 at 36, kung saan nagbabantay sila ng kanilang produkto nang dumating ang gunman sakay ng motorsiklo saka pinaputukan nang ilang beses.
Kalaunan ay napag-alaman na ang gunman ay ang stepfather ng anak ng isa sa mga biktima.
Nagpapagaling pa ang dalawang biktimang fruit vendor.
Nagsasagawa naman ng hot pursuit operation laban sa suspek. RNT/JGC