Home METRO 2 todas, 5 sugatan sa gumuhong warehouse sa Bulacan

2 todas, 5 sugatan sa gumuhong warehouse sa Bulacan

318
0

Bulacan — Patay ang dalawang trabahador habang lima ang sugatan nang aksidenteng gumuho ang ikalawang palapag ng isang warehouse sa lalawigang ito.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente bandang alas-3:45 ng hapon ng Biyernes, Hulyo 4, sa isang warehouse na nasa pagitan ng Brgy. Buisan, Bustos at Bagbaguin, Pandi.

Ayon sa ulat, napansin ng mga trabahador na bumababa ang slab ng ginagawang ikalawang palapag dahil sa patuloy na pagbubuhos ng semento.

Nabatid na sinubukang i-welding ng isa sa mga welder ang mga bakal ngunit kalaunan ay bumigay ito, hanggang sa nawasak ang nakatukod na scaffolding sa ikalawang palapag at tuluyang gumuho.

Nang makarating sa Bustos-Pandi Rescue, BFP Bustos, BFP Pandi, at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ang impormasyon, agad silang rumesponde sa lugar.

Tumambad sa mga awtoridad ang bangkay ng isang trabahador na kinilalang si alyas Norman, 23, ng Taytay, Rizal, at sinasabing isa pang lalaking biktima ang nalibing sa gumuhong ikalawang palapag.

Agad namang dinala ng mga rescue team ang limang sugatang biktima sa pinakamalapit na ospital para sa paunang lunas.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para sa pagkakakilanlan ng mga biktima at sa sanhi ng insidente.
(Dick Mirasol III)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here